(ang ika-3 tula ni MICOE para sa'yo)
Ang aking mga mata'y nakatadhana lamang makakita ng liwanag.
Tanging ang magagandang bagay lamang
ang masisilayan.
At ang mga hindi kanais-nais?
Ay aking itatago sa likod ng aking paningin.
Marami akong nakikita't natatanaw.
Ngunit tanging sa'yo lamang tititig,
sa pagkat mahal kita.
Nakikita kong marami ang daraan,
saksi ako sa dumaraming harang na sayo'y tumatakip.
At kung sakaling maligaw?
Tanging ikaw lamang ang susundan
ng paningin.
Hindi rin ako matatakot
kung sa pag lingon ko'y matatagpuan ka.
Ikaw ang landas na hahanapin.
Kung tayo'y magkakalayo?
Alam kong ikaw ay abot-tanaw.
Dahil kahit ako ay pumikit ay
maliwanag kong masisilayan ang iyong mukha.
Bawat pagkurap ng aking mata'y kasabay nito
ang pagtibok ng aking pusong sa'yo nagmamahal
Kung ako'y mapuwing agad akong pipikit,
ng sa gayo'y maliwanag kitang masisilayan.
Mulat ang aking mga mata ng katulad sa aking pag-iisip.
At nasisilip kong katulad ng aking mga matang dilat,
Ay ang matatalim na titig
ng mga dumaraan, ng mga humaharang.
Ngunit ang aking mga mata'y nakatadhana lamang
makakita ng liwanag.
Liwanag na tanging ikaw ang nagdulot.
Taglay ko ang mga matang tanging ang
magagandang bagay lamang ang masisilayan.
Dahil sayo lamang ako
tititig,
sa pagkat MAHAL KITA.